Sunday, December 11, 2016

Karuwagan at Takot

Ang kalaban lagi ay karuwagan. Iba ang karuwagan sa takot. Natural ang matakot. Natatakot ka sa aso dahil baka ka kagatin. Natatakot ka sa ipis, lalo na ang lumilipad. Sino ba ang hindi takot sa ipis na lumilipad? Natatakot ka maglakad sa madilim na eskinita lalo na kapag ikaw lang mag-isa. Natatakot ka sumabit sa jeep baka ka mahulog. Hindi masama ang matakot. Babala iyan ng ating utak upang ingatan ang sarili. Maaaring nagmula ang mga internal na babalang ito sa mga hindi kawili-wiling karanasan o sa mga kuwento at paalala ng ibang nakaranas na. Mabuting sundin ang takot na ito. Pero iba ang karuwagan. Ang pagiging duwag ay pagsuko sa hamon dahil sa kawalan ng tiwala sa sarili o sa iba. Nahaharap ka sa isang bagong sitwasyon at dahil bago, agad-agad aatras na lamang at hindi man lang susubukan. Tulad ng pagkain ng durian. Naaamoy pa lamang ang durian, inaayawan na agad. Hindi na ito titikman pa dahil sa amoy. Hindi niya alam kung gaano kasarap ang prutas na ito. Napapangunahan kasi ang sarili ng mga naiisip tungkol sa isang bagay. Hindi nagtitiwalang kayang tanggapin ng katawan ang pambihirang prutas na ito. Kailangang makita ang pinong pagkakaiba ng taong umaayaw sa isang bagay dahil natatakot siya sa hamon o dahil talagang alam niya sa kaniyang sarili na hindi niya kaya ang hamon. Maraming kailangang timbangin upang makita ang pagkakaiba ng dalawa: Ano-anong mga karanasan ko o ng iba ang nagsasabi sa aking huwag ko na subukan pa ang kinakaharap kong bagay? Nasubukan ko na ba (o ng iba) ito dati? Ano ang nangyari? Anong pahamak ba ang maidudulot nito sa akin o sa iba kung gagawin ko ang bagay na ito? May pakinabang ba akong makukuha rito? May madadagdag ba o mababawas sa kahulugan ng buhay ko kapag ginawa ko ito? Saan nagmumula ang takot: takot na masaktan, takot magkamali, takot sa sasabihin ng iba, o takot dahil talagang ikapapahamak ko ang gawin pa ang bagay na ito?
 Naalala ko ang aking pamangkin nang minsang yayain ko siyang lumangoy. Nagpunta ako sa pinakamalalim na bahagi ng swimming pool, tinawag ko siya at niyayang tumalon sa tubig. Marunong ako lumangoy at pati na rin magbigay ng paunang lunas, kung sakali. Tumakbo siya papunta sa dulo ng lupa at tubig, urong-sulong siyang umiiyak sa pangamba. Totoong nakatatakot, may dahilan ang mangamba, dahil sa kaniyang pagtatantiya, hindi niya kakayanin talaga ang lalim ng tubig. Hindi siya marunong lumangoy. Sa kabila nito ang buong-loob ko namang paniniguro na sasaluhin ko siya at hindi pababayaan. Matagal-tagal ding pagpapakalma at pang-aamo ang naganap bago siya tuluyang tumalon. Ang magaling sa aking pamangkin, malay siya sa kaniyang sariling kakayahan at kahinaan. Hindi siya nagkunwari at nagtapang-tapangan sa mga bagay na higit sa kaniyang abilidad. Hindi siya pikit-matang basta tumalon sa tubig nang walang paninimbang at paniniguradong may sasalo sa kaniya. Nakatatakot ang  malalim na tubig. Lalayo na lamang ang duwag; tapos na ang usapan. Ang takot, nanginginig, nag-aalinlangan, hihingi ng suporta sa iba, at saka tatalon sa tubig kapag handa na siya. Nakatatakot man gawin ang isang bagay nang mag-isa, hindi na kung may kasama. Tatalon pa rin kahit nakakatakot dahil higit sa personal na takot ang tawag ng halaga sa paglangoy sa tubig. Ang karuwagan ay pagpikit ng mata sa mga tawag ng halaga. Yuyuko at titiklop ang isang duwag sa kaniyang sariling kahinaan. Sa halip na tumingin sa liwanag ng mga dapat, tungkulin, prinsipyo, at pagpapahalaga, ang pagtutuunan ng pansin ay ang dilim ng sariling kahinaan. Hindi ko ‘yan kaya! Wala akong ganito, wala akong ganyan. Ang wala sa kaniya ang nakikita sa halip na tingnan ang napakaraming mayroon siya. Mayroon siyang tungkulin. Mayroon siyang kasama. Mayroon siyang malalapitan. Mayroon siyang kinabukasang binubuo. Mayroon siyang saysay. Ang mga ito ang mahalaga higit sa kahinaan at limitasyon ng sarili. Kaya nga nagagawa ng bulag ang maglakad pa rin sa kalye gamit lamang ang gabay na aso o ang patpat dahil higit na mahalaga ang makalanghap ng sariwang hangin sa labas kaysa sa magkulong sa loob ng bahay sa pangambang madarapa, mabubunggo, mawawala lamang siya sa lansangan. Hindi nagpapadaig ang bulag sa kawalan ng paningin. Tinitingnan ng bulag ang malinaw na mga hangarin at pagpapahalaga niya sa kaniyang buhay. Takot pa rin siya, oo; pero hindi siya naduduwag sumubok. Ito ang unang pagpili na ating gagawin: magpadaig sa karuwagan o aminin ang takot at kumilos nang angkop?